Idinaos ngayong araw, Lunes, ika-5 ng Pebrero 2018, sa Kuala Lumpur, Malaysia, ang pulong hinggil sa pagpapasulong sa kooperasyon ng mga SME o maliit at katamtamang-laking bahay-kalakal ng Malaysia at Tsina.
Sinabi sa pulong ni Bai Tian, Embahador ng Tsina sa Malaysia, na sa plataporma ng Belt and Road Initiative, mabunga ang mga malaking proyektong pangkooperasyon ng Tsina at Malaysia. Pero aniya, hindi pa lubos na nagagalugad ang nakatagong lakas ng kooperasyon ng mga SME ng dalawang bansa. Ipinahayag niyang, dapat pahalagahan at katigan ng dalawang bansa ang kooperasyon ng kani-kanilang mga SME.
Sinabi naman ni Liow Tiong Lai, Ministro ng Transportasyon ng Malaysia, at Puno ng Malaysian Chinese Association, na kailangang palakasin ng mga SME ng Malaysia at Tsina ang kooperasyon sa ilalim ng Belt and Road Initiative. Ipinahayag din niyang magbibigay ng paborableng kapaligirang pang-negosyo ang panig Malay sa mga bahay-kalakal na Tsino, na gustong mamuhunan o magbukas ng negosyo sa bansa.
Salin: Liu Kai