|
||||||||
|
||
Idinaos kahapon, Martes, ika-13 ng Pebrero 2018, sa Manila, ang ika-2 pulong ng Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea (BCM) ng Tsina at Pilipinas. Dumalo sa pulong ang mga delegasyon ng dalawang bansa, na pinamumunuan nina Pangalawang Ministrong Panlabas Kong Xuanyou ng Tsina, at Pangalawang Kalihim Enrique Manalo ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas.
Ayon sa joint press release na inilabas pagkaraan ng pulong, binigyang-diin ng kapwa panig, na mahalaga ang mekanismong ito, para sa matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino.
Matapat at mataimtim na nagpalitan ng palagay ang dalawang panig hinggil sa mga isyung may kinalaman sa South China Sea. Batay sa target ng pangangalaga at pagpapasulong sa kapayapaan at katatagan sa rehiyong ito, tinalakay nila ang mga paraan para pangasiwaan at iwasan ang mga insidente sa dagat, pasulungin ang diyalogo at kooperasyon sa mga isyung pandagat, at palakasin ang pagtitiwalaan at kompiyansa sa isa't isa. Kapwa ipinalalagay nilang natamo ng pulong ang positibo at masaganang bunga.
Sinang-ayunan ng dalawang panig, na patuloy na talakayin ang hinggil sa mga hakbangin ng pagpapalakas ng pagtitiwalaan, at ipinangako nilang hindi isagawa ang mga aksyong magpapasalimuot at magpapalala ng mga hidwaan, o makakaapekto sa rehiyonal na kapayapaan at katatagan.
Muling tiniyak ng dalawang panig ang pagsisimula ng pagsasanggunian hinggil sa Code of Conduct on the South China Sea sa unang dako ng susunod na buwan. Ipinasiya rin nilang idaraos ang ika-3 pulong ng BCM sa Tsina sa ikalawang hati ng taong ito.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |