Miyerkules, Hulyo 12, 2017, ay unang anibersaryo ng pagpapalabas ng resulta ng umano'y kaso ng arbitrasyon sa South China Sea (SCS) laban sa Tsina na isinumite ng dating pamahalaan ni Benigno Aquino III.
Nang araw ring iyon, ipinahayag ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas na dapat lutasin ang alitan sa SCS, batay sa diwa ng pagkakabigiang pangkapitbansa. Anang pahayag, magpupunyagi ang pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte para mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon, at itatag ang kapaligirang makakabuti sa kooperasyon at kaunlaran. Binigyang-diin din ng pahayag na gusto ng pamahalaan ng Pilipinas na magkaroon ang iba't ibang panig ng mas mabisang code of conduct, sa pamamagitan ng talastasan, sa ilalim ng balangkas ng Code of Conduct in the South China Sea.
Kaugnay ng nasabing pahayag, sinabi kahapon ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na palagian at malinaw ang paninindigan ng panig Tsino sa nabanggit na arbitrasyon. Buong tatag aniyang pinangangalagaan ng Tsina ang teritoryo, soberanya at karapatang pandagat sa South China Sea. Kasabay nito, sa mula't mula pa'y nagsisikap ang Tsina para mapayapang lutasin ang mga kaukulang alitan, sa pamamagitan ng talastasan at pakikipagsanggunian sa mga bansang may direktang kaugnayan. Dagdag pa niya, nagpupunyagi rin ang Tsina para mapangalagaan, kasama ng mga bansang ASEAN, ang kapayapaan at katatagan ng nasabing karagatan.
Ipinalalagay naman ni Ruan Zongze, Pangalawang Puno ng China Institute of International Studies, na naging positibo sa kabuuan ang naturang pahayag ng panig Pilipino, at makakabuti ito sa pangangasiwa at pagkontrol sa kasalukuyang kalagayan ng South China Sea.
Salin: Vera