Bilang tugon sa pahayag ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA) ng Pilipinas hinggil sa isang taong anibersaryo ng South China Sea arbitration, ipinahayag ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang kahandaan sa pakikipagtulungan sa Pilipinas para malutas ang pagkakaiba ng paninindigan kagunay ng usaping pandagat, sa pamamagitan ng pagsasanggunian at diyalogo.
Sinabi ni Geng na sang-ayon ang Tsina sa paninindigan ng Pilipinas na kailangang lutasin ang alitang panteritoryo sa diwa ng mapagkaibigang magkapitbansa. Ipinahayag din ni Geng ang suporta ng Tsina sa paggiit ng Pilipinas sa nagsasariling patakarang diplomatiko.
Ipinagdiinan din ng tagapagsalitang Tsino na bumalik na ang dalawang bansa sa landas ng pag-uusap at pagsasanggunian. Naitatag din aniya ng dalawang bansa ang Mekanismo ng Bilateral na Konsultasyon hinggil sa Isyu ng South China Sea, at matagumpay na naidaos ang unang pulong ng nasabing mekanismo.
Idinagdag pa ni Geng na sa pagsisikap ng Tsina, Pilipinas at ibang mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), matatag na ang kalagayan sa South China Sea at binalangkas din ang framework ng Code of Conduct (COC) in the South China Sea. Ang nasabing magandang pag-unlad ay naaangkop sa komong interes ng mga mamamayan ng Tsina at Pilipinas, at naaangkop din ito sa hangarin ng mga mamamayan ng rehiyon.
Salin: Jade
Pulido: Rhio