Ayon sa ulat kahapon, Sabado, ika-17 ng Pebrero 2018, ng panig opisyal ng Mexico, isang military helicopter na may lulang Ministro ng Suliraning Panloob ng bansang ito, na si Alfonso Navarrete, ang bumagsak kamakalawa ng gabi, sa Oaxaca State sa katimugan ng Mexico. Ikinamatay ang aksidenteng ito ng 13 katao, na kinabibilangan ng 11 sa helicopter at 2 sa lupa. Ikinasugat din ito ng 15 iba pa. Hindi naano ang nabanggit na ministro sa aksidente.
Ayon pa rin sa ulat, ang naturang helicopter ay naghatid ng mga opisyal ng Mexico sa Oaxaca State, para maglakbay-suri sa mga lugar na apektado ng magnitude-7.2 na lindol, na naganap kamakalawa sa karagatan sa dakong timog ng bansa. Bumagsak ito bago lumapag. Bukod sa Ministro ng Suliraning Panloob, sakay din ng helicopter ang gobernado ng Oaxaca State, at mga iba pang opisyal.
Salin: Liu Kai