Maynila, Pilipinas—Nakatakdang idaos ang Kauna-unahang China International Import Expo (CIIE) sa Nobyembre, 2018, sa Shanghai, Tsina. Hanggang sa kasalukuyan, mahigit 100 bahay-kalakal ng Pilipinas ang nagpareserba ng exhibition booth.
Ito ang ipinahayag ni Jin Yuan, Commercial Counsellor ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas sa kanyang pakikipagtagpo kay Senen Perlada, Direktor ng Export Marketing Bureau (EMB), Department of Trade and Industry (DTI), Miyerkules, Pebrero 28, 2018.
Pinag-usapan ng dalawang opisyal ang hinggil sa mga road show na may kinalaman sa nasabing expo na gaganapin sa Pilipinas sa Marso, 2018. Sumang-ayon ang dalawang panig na tatlong road show ang idaraos: ang una ay sa Maynila, Marso 16; pangalawa, Cebu, Marso 20; pangatlo, Davao, Marso 23, ayon sa pagkakasunud-sunod.
Sa kasalukuyan, ang Tsina ang pinakamalaking trade partner ng Pilipinas. Sinabi ni Jin na ang idaraos na expo ay isa sa mga hakbangin ng Tsina para sa ibayo pang pagbubukas sa labas. Ito rin aniya ay magandang oportunidad para mapalawak ng Pilipinas ang pagluluwas sa Tsina.
Salin: Jade
Pulido: Rhio