|
||||||||
|
||
TINIYAK ng mga opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na ligtas pa mga isda at mga lamang-dagat ng Manila Bay sa mga heavy metal at bacterial contamination samantalang normal pa ang uri ng tubig sa karagatan.
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ng Senior Aquaculturist na si Ulysses Montojo na binabantayan at sinunsuri nila ang uri ng tubig ng Manila Bay sa may hangganan ng Pampanga, Bulacan at Cavite na kinatagpuan ng mataas na e coli bacteria noong 2014 at 2015.
May sapat umano silang salaping magagamit sa pagsusuri subalit kulang ang kanilang mga tauhan.
Samantalang idinagdag naman ni Ligaya Cabrera ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na kung mayroong mga meat inspector ang mga pamahalaang lokal na nagsusuri sa mga karne ng baka, baboy at manok na pumapasok sa mga pamilihan, nararapat ding magkaroon ng fish inspectors ang mga munisipyo sapagkat sila ang may obligasyon ayon sa batas na tumiyak ng kaligtasan ng mga ipinagbibili sa mga palengke.
Ani G. Montojo, nasusuri nila ang mga isdang dumarating sa mga daungan tulad ng Navotas at Dalahican subalit hindi na nila masasaklaw ang mga bayan at lungsod. Ipinaliwanag ni Bb. Cabrera na handa silang magsanay ng mga hihiranging fish inspector mula sa iba't ibang pamahalaang lokal.
PANGISDAAN SA LAGUNA DE BAY, LALAWAK PA. Sinabi ni Engr. Jocelyn G. Sta. Ana ng Laguna Lake Development Authority na sa pagbabawasa ng fish cages at fish pens sa lawa ng Laguna, higit na lalawak ang pangingisdaan ng subsistence fishermen. Sinusuri din nila ang uri ng tubig sa lawa at ligtas pa ito sa industriya ng pangisdaan. Na sa dakong kanan si Coast Guard Commander Godofredo G. Vagilidad na naysaying nababantayan nila ang mga barkong nagyayaot sa loob ng Manila Bay at naiiwasan ang pagtagas ng langis at ibang nakapipinsalang kemikal. (Melo M. Acuna)
Sa panig ng Laguna Lake Development Authority, sinabi ni Engr. Jocelyn G. Sta. Ana, nananatiling normal ang tubig ng lawa na may lawak na 900 kilometro kudrado at siyang dinadaluyan ng tubig mula sa may 21 ilog at batis sa paligid nito.
Sinabi ni bb. Bileynie P. Encarnacion, isang siyektipiko ng Laguna Lake Development Authority, napupuna nila ang mga dumi sa ilog na nasa kanlurang bahagi ng lawa ng Laguna. Ang mga ito ay mula sa mga pook na may mg pabrika at mga basurang hindi naalis sa mga ilog.
Para kay dating Party List Congressman Fernando Hicap na siya ring chairman ng PAMALAKAYA, isang progresibong samahan ng mga mangingisda, isang malaking problema ang ginagawang reclamation ng mga pamahalaang lokal. Nasisira ang baybay ng lawa at nawawala ang mga naninirahang nabubuhay lamang sa pangingisda.
Sa panig ng Philippine Coast Guard, sinabi ni Commander Godofredo G. Vagilidad VII ng Marine Environment Division, na mahigpit nilang ipinatutupad ang mga regulasyon sa mga barkong pag-aari ng mga Filipino. Tiniyak din niyang natutugunan ang pangangailangan ng mga inter-ocean cruise ships na dumadaong sa Maynila.
Pinangangasiwaan ng Philippine Ports Authority ang pagbababa ng mga basura, nagamit na tubig at mga dumi na mula sa libu-libong mga turista na dumadalaw sa Maynila sakay ng malalaking barko.
Tiniyak ni Engr. Sta. Ana ng Laguna Lake Development Authority na mulasa 13,000 ektarya ng mga fish cage at fish pens sa lawa ay binawasan na nila ito at umaabot na lamang sa 9,000 ektarya upang higit na malayang makapangisda ang mga maliliit na mangingisdang kabilang sa Pamalakaya.
Nadaragdagan naman ang ani ng mga isda sa loob ng Laguna de Bay, dagdag pa ni Engr. Sta. Ana.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |