Ipinahayag dito sa Beijing Huwebes, Marso 8, 2018, ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina na napatunayan ng katotohanan na ang "suspension for suspension" proposal na iniharap ng panig Tsino ay nakalikha ng pinakapundamental na pasubali para sa pagpapabuti ng relasyon ng Timog at Hilagang Korea. Nananawagan aniya ang Tsina sa iba't ibang panig, partikular na, ang Estados Unidos at Hilagang Korea na mag-usap at magdiyalogo sa lalong madaling panahon.
Winika ito ni Wang sa preskon ng Unang Sesyon ng Ika-13 Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina. Tinukoy pa niyang sa pamamagitan ng nangyaring madalas na pagpapalitan sa Pyeongchang Winter Olympic Games, bumuti ang kalagayan ng Korean Paninsula. Sa panahon ng nasabing olimpiyada, hindi isinagawa ng Hilagang Korea ang bagong nuclear missile test, at pansamantalang itinigil ng Amerika at Timog Korea ang kanilang pagsasanay-militar na nakatuon sa Hilagang Korea. Aniya, sa susunod na hakbang, dapat sundin ng iba't ibang panig ang kaisipan ng "dual-track approach," na nangangahulugang dapat hindi lamang igiit ang target ng denuklearisasyon, kundi aktibo ring itatag ang mekanismo ng kapayapaan ng Korean Peninsula. Ito aniya ay palagiang paninindigan ng panig Tsino, at target na tiniyak ng resolusyon ng United Nations Security Council (UNSC).
Salin: Vera