Magkahiwalay na ginawa Biyernes, Marso 9, 2018, nina Zhou Qiang, Puno ng Supreme People's Court (SPC) ng Tsina, at Cao Jianming, Puno ng Supreme People's Procuratorate (SPP) ng bansa, ang work report sa Unang Sesyon ng Ika-13 Pambansang Kongresong Bayan (NPC). Tungkol sa hangarin ng kanilang gawaing "Nakakaramdam ang bawat mamamayan ng pagkakapantay-pantay at katarungan sa bawat kasong hudisyal," nilagom nila ang gawain ng SPC at SPP nitong limang taong nakalipas. Iniharap din sa kanilang ulat ang mga mungkahi hinggil sa gawaing hudisyal sa kasalukuyang taon.
Sa kanilang ulat, ipinagdiinan ng dalawang puno na nakapasok na ang sosyalismong may katangiang Tsino sa bagong siglo. Sa paggigiit ng ideya ni Pangulong Xi Jinping sa sosyalismong may katangiang Tsino sa bagong siglo, totohanang tutupdin ng SPC at SPP ang kanilang responsibilidad at tungkulin na ibinibigay ng konstitusyon at batas upang walang humpay na mapalakas ang maligayang damdamin ng mga mamamayan.
Salin: Li Feng