Beijing-Kinatagpo Marso 12, 2018 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina si Chung Eui-yong, sugo ni Pangulong Moon Jae-in ng Timog Korea.
Sa pagtatagpo, tinukoy ni Pangulong Xi na bilang kapitbansa ng Peninsula ng Korea, kinakatigan ng Tsina ang pagpapabuti ng relasyon ng Hilaga at Timog Korea para pasulungin ang rekonsilyasyon ng peninsula, at ang gagawing diyalogo ng Amerika at Hilagang Korea para maayos na hawakan ang kani-kanilang pagkabahala. Positibo aniya ang Tsina sa pagsasakatuparan ng walang nuklear na Peninsula ng Korea. Positibo rin aniya ang Tsina sa pagsisikap ng Timog Korea para mapahupa ang kalagayan ng peninsula.
Ipinahayag ng Pangulong Tsino na nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng Timog Korea at komunidad ng daigdig para pasulungin ang paglutas sa isyu ng Peninsula ng Korea sa pamamagitan ng paraang pulitikal. Kinakatigan aniya ng Tsina ang prinsipyong "double track" sa usaping ito.
Iniabot naman ni Chung ang pagbati sa Pangulong Tsino mula sa kanyang pangulo. Binanggit din niya ang pagdalaw sa Tsina ni Pangulong Moon noong 2017. Nakahanda aniya ang Timog Korea na magsikap, kasama ng Tsina para pasulungin ang pagtutulungan ng dalawang panig. Aniya, sa kasalukuyan, gumaganap ang Tsina ng konstruktibong papel sa pagpapabuti ng kalagayan sa Peninsula ng Korea. Umaasa aniya siyang ipagpapatuloy ng Tsina ang positibong papel sa usaping ito.