Beijing-Dumalo Disyembre 13, 2017 sina dumadalaw na Pangulong Moon Jae-in ng Timog Korea at Pangalawang Premyer Zhang Gaoli ng Tsina sa Business Forum ng dalawang bansa.
Ipinahayag ni Zhang na palaging pinahahalagahan ng Tsina ang pakikipagtulungan sa Timog Korea. Babalangkasin aniya sa pag-uusap nina Pangulong Xi Jinping at Pangulong Moon Jae-in ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa ibat-ibang larangan at antas. Umaasa aniya siyang tutupdin ang pagkakasundo ng mga liderato ng Tsina at Timog Korea, para pasulungin ang pagtutulungan ng dalawang panig sa tumpak na direksyon.
Ipinahayag naman ni Pangulong Moon na sa ika-80 anibersaryo ng Masaker ng Nanjing 1937, may komong damdamin at kalungkutan ang mga mamamayan ng Timog Korea, kasama ng mga mamamayang Tsino.
Aniya, nitong 25 taong nakalipas sapul nang maitatag ang diplomatikong relasyon ng Tsina at Timog Korea, mabilisang umuunlad ang pagtutulungang pangkabuhayan at pangkalakalan, at people to people exchanges ng dalawang panig. Umaasa aniya siyang babalik ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa landas ng pagtitiwalaan, sa pamamagitan ng pagdalaw na ito, para ibayo pang palakasin ang kooperasyon sa ibat-ibang larangan.