Beijing-Ipinahayag Marso 14, 2018 ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pag-asang magpapatuloy ang malusog at matatag na relasyong Sino-Amerikano.
Winika ito ni Lu bilang tugon sa panunungkulan ni Mike Pompeo, dating Puno ng Central Intelligence Agency, bilang bagong Kalihim ng Estado ng Amerika. Nauna rito, ipinatalastas ni Pangulong Donald Trump ang pagtanggal sa tungkulin kay Rex Tillerson.
Ipinahayag ni Lu ang pag-asang patuloy na mapapasulong ang matatag na relasyong Sino-Amerikano batay sa paggagalangan, mutuwal na kapakinabangan, at maayos na pamamahala sa mga alitan ng dalawang panig. Ito aniya'y angkop hindi lamang sa komong interes ng mga mamamayan ng Tsina at Amerika, kundi maging sa mithiin ng komunidad ng daigdig.
Ani Lu, pinasasalamatan ng Tsina ang pagsisikap ni Ginoong Tillerson sa pagpapasulong ng relasyong Sino-Amerikano sa kanyang termino bilang Kalihim ng Estado ng Amerika. Umaasa rin aniya siyang patuloy na bibigyan ng pansin at suporta ni Ginoong Tillerson ang pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano.