Sinabi kahapon, Biyernes, ika-16 ng Marso 2018, ni Im Jong-seok, Chief of Staff ng Pangulo ng Timog Korea, na ihaharap ng kanyang bansa sa Hilagang Korea ang mungkahi hinggil sa pagdaraos ng bilateral na pag-uusap sa mataas na antas, sa katapusan ng buwang ito, bilang paghahanda para sa summit sa pagitan nina Pangulong Moon Jae-in ng T.Korea at Kataas-taasang Lider Kim Jong Un ng Hilagang Korea.
Nang araw ring iyon, nagpulong ang isang komiteng pampanguluhan ng T.Korea bilang paghahanda para sa nabanggit na summit. Pagkaraan ng pulong, sinabi sa media ni Im, na inaasahang idaraos ang summit sa Panmunjon, at tatagal ito ng isang araw. Dagdag niya, ang mungkahi ng panig T.Koreano ay maging pokus ng summit ang mga paksa hinggil sa pangmatagalang kapayapaan sa Korean Peninsula, pagsasakatuparan ng walang nuklear na peninsula, pagpapahupa ng tensyong militar, at pagkakaroon ng breakthrough sa relasyon ng Timog at Hilagang Korea.
Ayon kay Im, iminungkahi rin ng T.Korea na magpadala ng isang tropang pansining at isang demonstration team ng Taekwondo, sa Pyongyang sa unang dako ng darating na Abril, para sa pagtatanghal.
Salin: Liu Kai