NAGKAKAHALAGA ng US$ 230 milyon o RMB 1.46 bilyon ang Panda Bonds na sinimulang ipagbili ngayon sa Beijing, sa Hong Kong at maging sa Singapore. Ito ang ibinalita ng Department of Finance.
Ayon kay National Treasurer Rosalia de Leon, masaya sila sapagkat maganda ang pagtanggap ng mga mamimili sa Panda bonds sa kanilang ginawang roadshow sa Singapore, Hong Kong at Beijing noong nakalipas na ika-14 hanggang ika-16 ng Marso.
Ibinalita nila ang mga investor sa kalakaran ng bond offerings ng Pilipinas at sa tayo ng ekonomiya ng bansa. Isang pagtatangka ito ng pamahalaan na mapalawak ang investor base at ang Renmenbi na malilikom ay ilalagak sa Bangko Sentral ng Pilipinas at ang salapi ng Pilipinas ang magagamit na panustos sa mga pagawaing bayan at iba pang proyekto ng pamahalaan.
Ayon kay Deputy Governor Diwa Guinigundo ng Bangko Sentral ng Pilipinas, napapanahon ang paglalabas ng Panda bonds sapagakt matatag ang credit profile ng Pilipinas na nag-ugat sa serye ng structural reforms.