|
||||||||
|
||
PINAKIUSAPAN ni Presidential Spokesman Harry Roque si Chief Justice Sereno na magbitiw na lamang matapos manawagan ang mga hukom at mga kawani ng Korte Suprema na umalis na lamang sa kanyang puwesto.
Magugunitang sinabi ni Chief Justice Sereno sa idinaos na pakikipagbalitaan sa mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines na hindi siya aalis sa puwesto at handa siyang ipagtanggol ang kanyang pangalan sa Impeachment Court na katatampukan ng mga senador na siyang magiging mga hukom.
Niliwanag ni Secretary Roque na ang desisyon kung magbibitiw o hindi ay para kay Chief Justice Sereno lamang subalit mas makabubuting kilalanin na ni Gng. Sereno ang panawagan ng mga hukom at mga kawani ng Hudikatura.
Sa kanyang pagharap sa mga naniniwala sa kanya, sinabi ni Gng. Sereno na bagama't ang pinakahuling panawagan ay mula sa kanyang minamahal na institusyon, ang pagmamahal na ring ito sa Hudikatura ang nagsasabi sa kanyang manatili sa puesto at lumaban.
Niliwanag din ni Chief Justice Sereno na lumalabas na ang pangulo ng Philippine Judges Association na si Felix Reyes at ang mga pinuno ng apat sa 15 union ng mga manggagawa sa korte ang bumigay sa "political pressure" at sumama sa mga nananawagang magbitiw na lamang siya.
May dalawa pang grupo ng mga hukom at ilang mga samahan ng mga kawani sa hukuman ang nanindigan at 'di bumigay sa pressure ng pamahalaang sumama sa mananawagan sa kanyang pagbibitiw.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |