Nag-usap sa telepono, kaninang umaga, Sabado, ika-24 ng Marso 2018, sina Liu He, Pangalawang Premyer ng Tsina, at Steven Mnuchin, Treasury Secretary ng Amerika.
Ipinaalam ni Mnuchin sa panig Tsino ang pinakahuling kalagayan ng Section 301 investigation na inilunsad ng administrasyon ni Donald Trump noong Agosto, 2017, hinggil sa mga gawi ng Tsina na may kinalaman sa kaparatan ng pagmamay-ari ng likhang-isip at paglilipat ng teknolohiya.
Ipinahayag naman ni Liu, na ang ulat ng naturang imbestigasyon na inilabas kamakailan ng panig Amerikano, ay labag sa mga tuntunin ng World Trade Organization, at di-paborable sa mga interes ng Tsina, Amerika, at maging sa buong daigdig. Umaasa aniya siyang magkasamang pangangalagaan ng dalawang panig ang matatag na pangkalahatang kalagayan ng kanilang relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan.
Sumang-ayon din ang dalawang panig, na patuloy na mag-ugnayan hinggil sa nabanggit na isyu.
Salin: Liu Kai