Nakipagtagpo kahapon, Lunes, ika-26 ng Marso 2018, sa Beijing, si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa mga dayuhang kinatawang kalahok sa China Development Forum, na kinabibilangan ng mga namamahalang tauhan ng Apple Inc., Hitachi Ltd., C.V. Starr & Co., Inc., Google Inc., University of Cambridge, Qualcomm, at iba pa.
Kaugnay ng kasalukuyang hidwaan sa kalakalan ng Tsina at Amerika, sinabi ni Li, na ang pamilihan at mga tuntuning komersyal ang mga pangunahing puwersang tagapagpasulong sa kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa. Ito aniya ay batay sa prinsipyo ng mutuwal na kapakinabangan at win-win situation. Dagdag ni Li, dapat lutasin ng Tsina at Amerika ang kanilang di-balanseng kalakalan, sa pamamagitan ng pagdaragdag pa ng kalakalan, sa halip ng paglulunsad na "trade war."
Tungkol naman sa plano ng aksyong "Made in China 2025" hinggil sa pagpapaunlad ng manupaktura ng Tsina, sinabi ni Li, na ang planong ito ay bukas sa kooperasyon. Aniya, hindi pipilitin ng Tsina ang mga dayuhang kompanya na ilipat ang mga teknolohiya, at ibayo pang palalakasin ng bansa ang pangangalaga sa karapatan ng pagmamay-ari ng likhang-isip.
Salin: Liu Kai