Nakatakdang idaos mula Abril 12 hanggang Abril 13 ang 2018 High Level Policy Forum on Global Governance: 2018 "Belt and Road" Finance and Investment Forum sa Guangzhou, lunsod sa dakong timog ng Tsina.
Itatampok sa nasabing forum ang sustenableng pamumuhuan at pinansya para magkakasamang pasulungin ang Belt and Road Initiative para sa komong kasaganaan at maisakatuparan ang 17 Sustainable Development Goals (SDGs) ng United Nations 2030 Agenda for Sustainable Development. Ang naturang forum ay nasa magkasamang pagtataguyod ng China Center for International Economic Exchanges (CCIEE) at UN Development Program (UNDP).
Sa isang prekson ngayong araw, Miyerkules, Marso 28, sinabi ni Nicholas Rosellini, Kinatawan ng UNDP na nakatalaga sa Beijing, Tsina, na bilang suporta sa Belt and Road Initiative, ang UNDP ang unang organisasyong pandaigdig na lumagda sa may kinalamang Memorandum of Understanding sa Tsina. Idinagdag pa niyang layon nilang sa pamamagitan ng pagpapasulong ng sustenableng pamumuhunan at pinansya, pasulungin ang kooperasyon sa pagitan ng mga organong pribado at pampamahalaan, at ang koordinasyong pampatakaran sa pagitan ng iba't ibang lugar, siyudad at lalawigan. Sa gayon, makikinabang aniya rito ang mga kasaping bansa at mamamayan sa kahabaan ng Belt and Road.
Lalahok sa gaganaping forum ang mga kinatawan mula sa mga bansa sa kahabaan ng Belt and Road, mga organisasyong panrehiyon at pandaigdig, at mga pandaigdig na organong pinansyal na gaya ng European Bank for Reconstruction and Development (EBRD), at Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB).
Salin: Jade
Pulido: Mac