Beijing, Tsina--Hiniling ng Tsina ang International Criminal Court (ICC) na igalang ang soberanya ng mga bansa at iwasan ang pamumulitika.
Nitong nagdaang Pebrero, inilunsad ng ICC ang preliminaryong pagsisiyasat sa di-umano'y pang-aabuso sa karapatang pantao laban sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga krimeng may kinalaman sa droga.
Bilang tugon, sa regular na preskon Miyerkules, Marso 28, inulit ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang paninindigan ng bansa sa matatag na pagbibigay-dagok ni Pangulong Duterte sa mga krimeng may kinalaman sa droga sapul nang manungkulan siya bilang pangulo ng Pilipinas. Bunga nito, aniya, bumubuti ang pampublikong seguridad, gumaganda ang kapaligiran para sa pagpapalago ng kabuhayan at pumapayapa ang pamumuhay ng mga mamamayan ng Pilipinas. Natamo rin ng nasabing kampanya ang malawakang suporta ng mga Pilipino, dagdag pa niya. Hiniling din ng tagapagsalitang Tsino sa komunidad ng daigdig na magbigay ng ibayo pang pang-unawa at suporta sa naturang pagsisikap ni Pangulong Duterte.
Salin: Jade
Pulido: Rhio