Nakipagtagpo ngayong araw, Lunes, ika-2 ng Abril 2018, sa Hanoi, Biyetnam, si Nguyen Phu Trong, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Biyetnam (CPV), kay Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina.
Sa pamamagitan ni Wang, iniabot ni Nguyen ang pangungumusta kay Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC). Ipinahayag niya ang pagtanggap ng panig Biyetnames sa pag-unlad ng Tsina, at pagbigay nito ng mahalagang ambag sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon at daigdig.
Dagdag ni Nguyen, sa kasalukuyan, nagkakaroon ng magandang tunguhin ng pag-unlad ang relasyon ng Biyetnam at Tsina. Kinakatigan aniya ng Biyetnam ang "Belt and Road" Initiative, at nakahandang palakasin ang bilateral at pragmatikong kooperasyon sa ilalim ng inisyatibang ito. Ipinahayag din niyang, dapat maayos na hawakan ng dalawang bansa ang isyung pandagat, sa pamamagitan ng pagsasanggunian. Aniya pa, habang ginagawa ang pagsasanggunian, puwedeng talakayin ang hinggil sa magkasamang paggagalugad, para pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa dagat.
Iniabot naman ni Wang kay Nguyen ang pangungumusta ni Xi. Aniya, ang mga narating na komong palagay ng mga lider ng dalawang partido at dalawang bansa ay lakas tagapagpasulong sa positibong pag-unlad ng relasyong Sino-Biyetnames. Sinabi niyang, ang kanyang pagdalaw na ito ay nagpapakita ng pagpapahalaga ng bagong pamahalaan ng Tsina sa relasyon sa Biyetnam.
Dagdag ni Wang, dapat pasulungin ng dalawang bansa ang pag-uugnayan ng kani-kanilang planong pangkaunlaran, para palawakin ang saklaw at pataasin ang kalidad ng kooperasyon ng dalawang bansa. Nakahanda rin aniya ang Tsina, kasama ng Biyetnam, na kontrolin ang pagkakaiba sa isyung pandagat, at talakayin ang magkasamang paggagalugad.
Salin: Liu Kai