|
||||||||
|
||
Sinimulan kahapon, Linggo, ika-8 ng Abril, 2018, sa lalawigang Hainan sa timog Tsina, ang taunang pulong sa 2018 ng Boao Forum for Asia (BFA), na may temang "Bukas at Inobatibong Asya para sa Ibayo Pang Kasaganaan ng Daigdig."
Kaugnay ng kasalukuyang taunang pulong, sinabi ni Zhou Wenzhong, Pangkalahatang Kalihim ng BFA, na may isang malaking background ang pagbubukas at inobasyon ng Asya, at ito ay globalisasyon. Tinukoy niyang, ang globalisasyon ay di-maiiwasang tunguhin, pero nitong nakalipas na mahabang panahon, ang globalisasyon ay pinamumunuan ng mga maunlad na bansa, at ang mga tuntunin nito, lalung-lalo na sa aspekto ng kalakalang pandaigdig, ay paborable sa mga bansang ito. Aniya, dapat iwasto ang ganitong di-balanseng globalisasyon, at dapat itaguyod ang globalisasyon na mas bukas, mas balanse, mas angkop sa interes ng lahat, at mas makakatulong sa win-win situation.
Kaugnay naman ng sumisidhing alitang pangkalakalan ng Tsina at Amerika, sinabi rin ni Zhou, na mayroon ngang problema sa kabuhayang Amerikano, pero ang proteksyonismo ay hindi solusyon dito. Ipinalalagay ni niyang, ang pangunahing problema sa kabuhayang Amerikano ay labis na konsumo at mababang savings rate. Ang problemang ito aniya ay hindi malulutas sa pamamagitan ng proteksyonismo.
Kasunod ng pagsisimula ng taunang pulong ng BFA, inilabas din nang araw ring iyon ang tatlong pangunahing akademikong ulat ng BFA, na kinabibilangan ng Progress of Asian Economic Integration, Development of Emerging Economies, at Competitiveness of Asian Economies.
Ayon sa mga ulat, noong isang taon, dahil sa pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig at pagbilis ng integrasyong pangkabuhayan ng Asya, maganda sa kabuuan ang kalagayan ng kabuhayan ng mga ekonomiya sa rehiyong ito. Tinukoy din ng mga ulat, na malaki ang ambag ng kalakalang pandaigdig sa paglaki ng kabuhayan ng mga bagong-sibol na ekonomiya na gaya ng Tsina, Indya, Brazil, Rusya, at iba pa. Kaya, dapat mag-ingat ang mga bansa sa kasalukuyang lumalalang proteksyonismong pangkalakalan.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |