Nakipag-usap Abril 8, 2018 sa Beijing si Premyer Li Keqiang ng Tsina kay Antonio Guterres, Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN). Ipinahayag ni Premyer Li na bilang pinakamalaking umuunlad na bansa sa daigdig, nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng komunidad ng daigdig para maisakatuparan ang progreso ng sangkatauhan, batay sa pagpapasulong ng trade liberalization at facilitation, pagtutol sa trade protectionism, at pagpapasulong ng globalisasyong pangkabuhayan. Binigyang-diin ng Premyer Tsino ang pagpapahalaga sa pakikipagtulungan ng Tsina sa UN. Aniya, buong tatag na pangangalagaan ng Tsina ang Karta ng UN, saligang norma ng relasyong pandaigdig, at nukleong papel ng UN sa mga suliraning pandaigdig. Aniya, patuloy na gaganap ang Tsina ng konstruktibong papel sa mga suliranin ng UN sa ibat-ibang larangan.
Ipinahayag naman ni Pangkalahatang Kalihim Guterres na ang Tsina ay mahalagang puwersa sa pangangalaga sa kapayapaan at pagtutulungan ng daigdig. Nakahanda aniya ang UN na ibayong palalimin ang pakikipagtulungan sa Tsina sa ibat-ibang larangan. Aniya, sa harap ng mga kahirapang lumilitaw sa proseso ng globalisasyong pangkabuhayan, inaasahang mapapasulong ng komunidad ng daigdig ang multilateral na pagtutulungan, sa halip na unilateralismo at proteksyonismo. Umaasa rin aniya siyang gaganap ang Tsina ng positibong papel sa mga suliraning panrehiyon at pandaidig, na gaya ng pagbabago ng klima, pangangalaga sa kapayapaan, pagpapatupad sa UN 2030 Sustainable Development Agenda, at iba pa.
Nang araw ring iyon, nakipag-usap kay Guterres sina Yang Jiechi, Puno ng Tanggapan ng Komisyon ng Komite Sentral ng CPC sa mga Suliraning Panlabas, at Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina.