Kaugnay ng pagpapatalastas ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ng desisyon hinggil sa pagtatayo ng Pilot Free Trade Zone at Free Trade Port sa lalawigang Hainan sa timog bansa, sinabi ng CRI kolumnista, na ito ay isa pang konkretong hakbangin ng Tsina ng pagpapalalim ng reporma at pagpapalawak ng pagbubukas sa labas. Ito rin aniya ay nagpapakita ng determinasyon ng Tsina sa pagpapasulong ng globalisasyong pangkabuhayan, at sa pamamagitan nito, ibabahagi ng Tsina sa daigdig ang mas maraming pakinabang.
Tinukoy ng nabanggit na kolumnista, na ang plano ng pagtatayo ng Free Trade Port sa bansa ay iniharap sa Ika-19 na Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina, na idinaos noong Oktubre ng nagdaang taon, at pagkaraan lamang ng halos 6 na buwan, naipapatupad na ang planong ito.
Dagdag pa niya, mula noong itinayo ang Special Economic Zone noong 1988, hanggang ngayon na itatayo ang Pilot Free Trade Zone at Free Trade Port, ang Hainan ay isang magandang halimbawa ng 40-taong reporma at pagbubukas sa labas ng Tsina. Nananalig aniya siyang sa hinaharap, magiging mas bukas at mas masigla ang Hainan, bilang patunay sa tuluy-tuloy na pagkakaloob ng Tsina ng pagkakataon at pakinabang sa daigdig.
Salin: Liu Kai