Idinaos kamakailan sa Ho Chi Minh City, Biyetnam, ang promosyon para sa Pandaigdig na Ekspo ng Pag-aangkat ng Tsina, na gaganapin sa darating na Nobyembre ng taong ito.
Sa aktibidad, sinabi ng opisyal ng Ministri ng Industriya at Kalakalan ng Biyetnam, na positibo ang pagtasa ng kanyang bansa sa naturang ekspo, dahil nagpapakita ito ng hangarin ng Tsina sa pagpapalawak ng pag-aangkat, at pagbabahagi sa mga bansa ng daigdig ng benepisyong dulot ng pag-unlad. Ayon sa kanya, nag-aplay na ang Biyetnam sa lupong tagapag-organisa ng ekspo ng 180 metro-kuwadradong pook para sa opisyal na pagtatanghal ng bansa, at 60 booth para sa pagtatanghal ng mga bahay-kalakal na Biyetnames.
Sinabi naman ng opisyal ng embahada ng Tsina sa Biyetnam, na noong isang taon, lumampas sa 100 bilyong Dolyares ang halaga ng bilateral na kalakalan ng Tsina at Biyetnam, at katanggap-tanggap sa pamilihang Tsino ang mga produktong agrikultural ng Biyetnam. Nananalig aniya siyang magiging popular din sa naturang ekspo ang mga produktong Biyetnames.
Salin: Liu Kai