Nang sagutin ang tanong na may kinalaman sa alitang pangkabuhaya't pangkalakalan ng Tsina at Amerika, ipinahayag Martes, Abril 17, 2018 ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na kung patuloy na kikilos ang panig Amerikano ayon lamang sa sariling kagustuhan, handang handa na ang panig Tsino upang gumanti at mapagtagumpayan ang kasalukuyang digmaang pandepensa para sa multilateralismo at malayang kalakalan. Aniya, ito ay para hindi lamang mapangalagaan ang lehitimong karapatan at kapakanan ng panig Tsino, kundi mapangalagaan din ang sistema at regulasyon ng multilateral na kalakalan ng daigdig.
Sinabi ni Hua na ang esensya ng kasalukuyang alitang pangkabuhaya't pangkalakalan sa pagitan ng Tsina at Amerika ay labanan sa pagitan ng multilateralismo at unilateralismo, at ng malayang kalakalan at proteksyonismong pangkalakalan.
Dagdag pa niya, nitong nakalipas na ilang araw, sunud-sunod na nanawagan ang maraming panig ng komunidad ng daigdig sa panig Amerikano na igalang ang World Trade Organization (WTO), at sundin ang multilateral na regulasyon. Magkakasamang tinututulan din ng parami nang paraming tao sa Amerika, na kinabibilangan ng 107 samahan ng komersyo at kalakalan, ang ganitong kilos ng panig Amerika na nakakapinsala sa interes ng kapuwa sarili at ibang panig.
Salin: Vera