May ulat di-umanong nagsasabing lihim na nagsasanggunian ang Tsina at Amerika para maiwasan ang trade war. Iniharap ng panig Amerikano sa panig Tsino ang isang serye ng kahilingan na gaya ng pagbabawas ng buwis sa mga sasakyang de motor ng Amerika, pagbili ng mas maraming semiconductor product ng Amerika, ibayo pang pagbubukas ng pamilihan sa mga bahay-kalakal na pinansyal ng Amerika at iba pa.
Kaugnay nito, ipinahayag Martes, Marso 27, 2018, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na palagiang naninindigan at nagpupunyagi ang panig Tsino sa paglutas sa mga alitan o problemang pangkalakalan, sa pamamagitan ng talastasan. Aniya, ang ganitong talastasan ay dapat batay sa paggagalangan at pantay na pakikitungo sa isa't isa, at dapat maging win-win at may mutuwal na kapakinabangan ang resulta nito.
Dagdag pa ni Hua, umaasa ang panig Tsino na lilikhain ng panig Amerikano at ibang bansa ang makatarungan at walang-pinapanigang kapaligiran para sa pagsasagawa ng mga bahay-kalakal na Tsino't dayuhan ng normal na pamumuhunan at aktibidad na komersyal.
Salin: Vera