Beijing, Tsina—Nakipagtagpo Martes, Marso 27, 2018 si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa delegasyon ng mga senador ng Amerika na pinamumunuan ni Senador Steve Daines. Sinabi ni Li Keqiang hindi malulutas ng "trade war" ang alinmang problema. Magpupunyagi aniya ang panig Tsino tungo sa direksyon ng paglutas sa mga problema sa pamamagitan ng diyalogo't pagsasanggunian, samantalang handang handa na ito para harapin ang anumang situwasyon.
Tinukoy ni Li na malaki ang pagkokomplemento ng kabuhayang Tsino at Amerikano, at walang humpay na lumalawak ang kanilang kooperasyon, kaya di-maiiwasan ang pangingibabaw ng ilang alitan. Mahabang proseso ang kakailanganin para malutas ang ilang problema. Umaasa siyang magkasamang magsikap ang panig Amerikano, kasama ng panig Tsino, batay sa pragmatiko't makatwirang pakikitungo, ito aniya ay hindi lamang makakatulong sa pangangalaga sa regulasyon ng multilateral na kalakalan, kundi makakabuti rin sa dalawang bansa, maging ng buong daigdig.
Ipinahayag naman ng mga senador ng Amerika na ang relasyong Sino-Amerikano ay isa sa mga pinakamahalagang bilateral na relasyon sa daigdig, at walang katuwirang magsagupaan ang dalawang bansa. Nakahanda anila ang Kongreso ng Amerika na resolbahin ang alitang pangkabuhaya't pangkalakalan ng dalawang bansa, sa paraang may mutuwal na kapakinabangan at win-win situation, upang tuluy-tuloy na makinabang sa pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano ang kanilang mga mamamayan.
Salin: Vera