Ipinahayag kahapon, Sabado, ika-28 ng Abril 2018, ni Kong Xuanyou, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, na ang isinagawang di-pormal na pagtatagpo nina Pangulong Xi Jinping ng bansa at Punong Ministro Narendra Modi ng Indya ay ibayo pang nagpalalim ng pagkakaibigan at pagtitiwalaan ng naturang dalawang lider.
Ayon kay Kong, sa panahon ng di-pormal na pagtatagpo nitong Biyernes at Sabado sa Wuhan, lunsod sa gitnang Tsina, isinagawa nina Xi at Modi ang 6 na bilateral na aktibidad, na gaya ng pagbisita sa eksibisyon ng mga relikya, pagdaraos ng malawakang pag-uusap, pagkakaroon ng bangkete, paglalakad-lakad sa tabi ng lawa, pagdaraos ng pribadong pag-uusap, at pagkakaroon ng tanghalian. Lumikha ito aniya ng bagong modelo ng pagpapalagayan ng mga lider ng Tsina at Indya. Ipinakita rin nito ang pagpapahalaga ng dalawang lider sa pagpapalagayan sa mataas na antas ng dalawang bansa, at ibayo pang pasusulungin ang pagpapalitan at pagtutulungan ng Tsina at Indya sa iba't ibang larangan, dagdag pa ni Kong.
Salin: Liu Kai