Dalian, Lalawigang Liaoning ng Tsina—Mula ika-7 hanggang ika-8 ng Mayo, 2018, nagtagpo dito sina Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Pangulo ng bansa, at Kim Jong Un, Pangkalahatang Kalihim ng Workers' Party of Korea (WPK) at Pangulo ng State Affairs Commission ng Hilagang Korea (DPRK). Nagpalitan ng kuru-kuro ang kapuwa panig tungkol sa relasyong Sino-Hilagang Koreano at mga mahalagang isyung kapuwa nila pinahahalagahan.
Tinukoy ni Xi na malaliman at masalimuot na pagbabago ang nagaganap ngayon sa kalagayan ng Korean Peninsula, at ang muling pagtatagpo nila ni Kim sa ganitong masusing panahon ay nagpapakita ng lubos na pagpapahalaga ni Kim sa relasyon ng dalawang partido at dalawang bansa. Aniya, pagkatapos ng kanyang unang pakikipagtagpo kay Kim higit isang buwan ang nakakaraan, natamo ng relasyon ng dalawang bansa at kalagayan ng Korean Peninsula ang positibong progreso, at buong lugod niyang nakita ang ganitong resulta. Nakahanda aniya siyang magsikap, kasama ni Kim, para mapasulong ang malusog at matatag na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa, maisakatuparan ang pangmatalagang kapayapaan at katatagan ng peninsula, at mapasulong ang kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng rehiyon.
Pinasalamatan ni Kim ang mahalagang ambag ng panig Tsino nitong nakalipas na mahabang panahon para sa pagsasakatuparan ng denuclearization ng peninsula, at pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon. Aniya, sa mula't mula pa'y ang denuclearization ng Korean Peninsula ay malinaw na paninindigan ng panig Hilagang Koreano. Kung aalisin ng mga may kinalamang panig ang ostilong patakaran at bantang panseguridad sa Hilagang Korea, maisasakatuparan ang denuclearization. Umaasa aniya siyang sa pamamagitan ng diyalogo nila ng Amerika, itatatag ang pagtitiwalaan, at responsableng isasagawa ng iba't ibang kaukulang panig ang magkasabay na hakbangin, para mapasulong ang prosesong pulitikal ng paglutas sa isyu ng Peninsula, at sa wakas, isakatuparan ang denuclearization at pangmatagalang kapayapaan ng peninsula.
Salin: Vera