Tokyo, Hapon—Nagtapo Huwebes, Mayo 10, 2018 sina dumadalaw na Premyer Li Keqiang ng Tsina at Emperador Akihito ng Hapon.
Sina Emperador Akihito at Premyer Li Keqiang habang nag-uusap (Xinhua/Rao Aimin)
Unang-una, ipinaabot ni Li ang pangungumusta ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Emperador Akihito. Sinabi ni Li na ang kanyang pagdalaw ay natatapat sa ika-40 anibersaryo ng paglagda ng Tratado ng Kapayapaan at Pagkakaibigan ng dalawang bansa. Layon aniya ng pagdalaw niya na sariwain ang diwa ng nasabing tratado para ibalik ang relasyong Sino-Hapones sa normal na landas, at matamo ang bagong progreso. Ito rin ang unang pagdalaw ng premyer Tsino sa Hapon nitong walong taong nakalipas.
Ipinahayag naman ni Emperador Akihito ang kagalakan sa pagdalaw ni Li sa mahalagang okasyon. Idinagdag pa ng emperador Hapones na lagi siyang nangungulila sa mainit na pagtanggap ng Tsina sa kanya nang bumisita siya sa Tsina mahigit 20 taon ang nakaraan. Aniya, sa kanyang biyahe, matinding naramdaman niyang konektado ang puso ng mga mamamayan ng dalawang bansa. Ipinahayag din ni Emperador Akihito ang pag-asang magkakaroon ang dalawang bansa ng maluwalhating kinabukasan, sa pamamagitan ng pagpapasulong ng people-to-people exchange.
Salin: Jade
Pulido: Mac