Ipinahayag May 9, 2018, ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang Belt and Road Initiative ay isang bukas na mungkahi, at puwede ng lumahok dito ang lahat ng mga bansa sa mundo. Aniya pa, tinatanggap ng Tsina ang paglahok ng Hapon sa inisyatibang ito. Noong taong nakalipas, ipinadala ng Hapon ang delegasyon sa mataas na antas upang lumahok sa Belt and Road Forum for International Cooperation.
Ayon sa ulat ng media ng Hapon, itatayo ng Tsina at Hapon ang public-private council hinggil sa Belt and Road Initiative para mapasulong ang kooperasyon ng dalawang panig sa pagsasagawa ng mas maraming proyekto sa ika-3 bansa. Ani Geng, ito ay hindi lamang makakabuti sa pagpapalawak ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa, kundi sa pag-unlad din ng ika-3 panig.
Sa ika-4 na China-Japan High-level Economic Dialogue, narating ng Tsina at Hapon ang komong palagay hinggil sa pagtatatag ng pampubliko at pampribadong platporma para sa pagpapalitan at mga proyekto. Ang mga detalye nito ay kasalukuyan pa ring tinatalakay.
Salin:Lele