White House, Estados Unidos—Nakipagtagpo Huwebes, Mayo 17, 2018 si Pangulong Donald Trump ng Amerika kay Liu He, dumadalaw na Espesyal na Sugo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, Pangalawang Premyer ng bansa at namumunong opisyal ng komprehensibong diyalogong pangkabuhayan ng Tsina at Amerika.
Ipinahayag ni Liu na sa magkasamang pamumuno ng mga lider ng dalawang bansa, natamo ng relasyong Sino-Amerikano ang mahalaga't positibong progreso. Aniya, nasa masusing yugto ngayon ang pag-unlad ng relasyong ito, dapat ipatupad ng kapuwa panig ang mga komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, igalang ang isa't isa, at magkasamang magsikap para mapasulong ang malusog at matatag na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Nagpalitan din ng kuru-kuro ang magkabilang panig tungkol sa relasyong pangkabuhaya't pangkalakalan ng Tsina at Amerika. Sinabi ni Liu na layon ng kanyang biyahe sa Amerika na isagawa ang malalimang pakikipag-ugnayan sa panig Amerikano tungkol sa mga isyung pangkabuhaya't pangkalakalan. Nakahanda aniya ang panig Tsino na magsikap, kasama ng panig Amerikano, para maayos na hawakan at lutasin ang mga isyung pangkabuhaya't pangkalakalan na kapuwa nila pinahahalagahan, batay sa pagkakapantay-pantay at mutuwal na kapakinabangan.
Ipinahayag naman ni Trump na napakahalaga ng pagpapanatili nila ng Tsina ng mainam na relasyong pangkooperasyon sa larangan ng kabuhaya't kalakalan. Aniya, maganda ang tunguhin ng pag-unlad ng kabuhayan ng dalawang bansa, napakalaki ng nakatagong lakas ng pamilihan, at may malawakang espasyo ang pagsasagawa ng kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan ng kapuwa panig. Umaasa aniya siyang magkasamang magpupunyagi ang mga grupong pangkabuhayan ng dalawang bansa, para aktibong resolbahin ang mga umiiral na problema sa relasyong pangkabuhaya't pangkalakalan ng dalawang panig.
Salin: Vera