PINATALSIK ni Pangulong Rodrigo Duterte si Transportation Asst. Secretary Mark Tolentino dahil sa pakikipagtalastasan sa kapatid mismo ng pangulo.
Nagmula ang pahayag kay Presidential Spokesman Harry Roque. Magugunitang sinabi na ng pangulo na patatalsikin niya ang sinumang gagamit sa kanyang pangalan at maging sa kanyang mga kamag-anak.
Samantala, sinabi ng Department of Transportation na ikinalugod nila at masayang tinanggap ang desisyon ni Pangulong Duterte na sibakin si Atty. Mark Tolentino bilang Asst. Secretary for Railways dahil sa mga kaduda-dudang transaksyon at paggamit sa pangalan ng pamilya ng pangulo sa mga isyung may kinalaman sa Mindanao Railway Project.
Sa isang pahayag ng DOTr, sinabing hindi kailanman kukunsintihin ni Secretary Arthur Tugade ang mga gawing ito ng mga kawani at opisyal. Ang paggamit umano ng pangalan at paghingi ng tulong ng pangulo, ng kanyang pamilya at iba pang may impluwensya para sa mga proyekto ng pamahalaan at personal na kapakinabangan ay hindi magiging katangga-tanggap.
Ayon pa sa pahayag, ang Mindanao Railway ay isang prayoridad sa "Build, Build, Build" infrastructure program ng pamahalaan ay naaayon sa schedule. Matatapos ang Tagum-Davao-Digos sa taong 2021 ng walang anumang pagkabalam.