|
||||||||
|
||
Beijing, Tsina—Nagtagpo Huwebes, Mayo 24, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at dumadalaw na Chancellor Angela Merkel ng Alemanya. Napagkasunduan ng dalawang lider na magkasamang magsisikap para iangat sa mas mataas na lebel ang all-dimensional na estratehikong partnership na Sino-Aleman.
Ipinahayag ni Pangulong Xi ang mainit na pagtanggap sa ika-11 pagdalaw ni Merkel sa Tsina at pasasalamat sa pagpapahalaga ni Merkel sa relasyon ng dalawang bansa.
Nanawagan si Xi na gawing huwaran ng win-win cooperation ang relasyon ng Tsina't Alemanya, manguna ang dalawang bansa sa pagpapasulong ng ugnayang Sino-Europeo, hikayatin ang bagong uri ng relasyong pandaigdig, at lampasan ang pagkakaibang ideolohikal para sa kooperasyon.
Ipinahayag naman ni Merkel ang kahandaan ng Alemanya na samantalahin ang mga pagkakataong dulot ng bagong round ng reporma at pagbubukas sa labas ng Tsina, para mapasulong ang pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang bansa sa iba't ibang larangan.
Idinagdag pa ni Merkel na sa ilalim ng nagbabagong daigdig, kailangang palakasin ng Tsina't Alemanya ang pag-uugnayan at koordinasyon sa mga suliraning pandaigdig. Suportado aniya ng Alemanya ang pagpapasulong ng relasyong Sino-Europeo.
Nagpalitan din sila ng kuru-kuro hinggil sa pandaigdig na kalakalan at isyung nuklear ng Iran.
Nauna rito, kinatagpo si Merkel ni Premyer Li Keqiang.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |