Ipinahayag kamakailan ng pamahalaang Amerikano na mula Hunyo 30, 2018, isasagawa nito ang limitasyon sa pamumuhunan at pagkontrol sa pagluluwas laban sa Tsina. Kaugnay nito, ipinahayag sa Beijing, Huwebes, Mayo 31, 2018, ni Tagapagsalita Gao Feng ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na ang nasabing aksyon ng Amerika ay hindi angkop sa prinsipyo at diwa ng World Trade Organization (WTO).
Bukod dito, ipinahayag din kamakailan ng panig Amerikano na ipapataw ang 25% taripa sa mga produktong Tsino na nagkakahalaga ng 50 bilyong dolyares. Kaugnay nito, inulit ni Gao na sa mula't mula pa'y nagsisikap ang panig Tsino upang mapanatili ang malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Amerika, at pangalagaan ang tunguhin ng pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig. Umaasa aniya siyang makikinabang ang mga mamamayan ng dalawang bansa sa kooperasyong Sino-Amerikano. Di aniya ninanais ng mga tao ang paglala ng trade dispute ng dalawang bansa. Samantala, may kompiyansa, kakayahan, at karanasan ang Tsina sa pagtatanggol ng kapakanan ng mga mamamayang Tsino at nukleong kapakanan ng bansa, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng