|
||||||||
|
||
Berlin, Alemanya—Kinatagpo Huwebes, Mayo 31 (local time), ni Pangulong Frank-Walter Steinmeier ng Alemanya si Wang Yi, dumadalaw na Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina. Sumang-ayon silang patuloy na pangangalagaan ang multilateral na sistemang pangkalakalan ng daigdig.
Ang pag-uusap ay ginanap makaraan ang biyahe ni Chancellor Angela Merkel sa Tsina, nitong nakaraang linggo
Sa kanilang pag-uusap, sinabi ni Pangulong Steinmeier na bilang komprehensibong estratehikong partner, nagkakaroon ang Tsina't Alemanya ng malawak na komong interes at matatag na batayan para sa kooperasyon.
Inilahad din niyang sa ilalim ng komplikado at nagbabagong situwasyong pandaigdig, dapat pahigpitin ng dalawang bansa ang kanilang kooperasyon para magkasamang protektahan ang kapayapaan at katatagang pandaigdig, at mapasulong ang paglaki ng kabuhayang pandaigdig.
Muling kinumpirma ng pangulong Aleman ang pagsuporta at paglahok ng kanyang bansa sa unang China International Import Expo (CIIE) na gaganapin sa darating na Nobyembre. Ipinagdiinan niyang ang nasabing ekspo ay magsisilbing signal laban sa proteksyonismo.
Nakahanda rin aniya ang Alemanya na makipagtulungan sa paraang bilateral at trilateral sa Tsina, sa ilalim ng Belt and Road Initiative (BRI).
Sinabi naman ni Wang na sa katatapos na pagdalaw ni Chancellor Merkel sa Tsina, nagkasundo ang dalawang bansa na iangat ang ugnayang Sino-Aleman at magkasamang tugunan ang mga hamong pandaigdig.
Ipinahayag din ni Wang ang mainit na pagtanggap sa paglahok ng Alemanya sa CIIE at BRI, para maitatag ang bukas na kabuhayang pandaigdig, at komong kasagananan ng lahat ng mga bansa.
Iniharap din ni Wang ang suporta sa integrasyong Europeo. Nakahanda aniya ang Tsina na patingkarin ang nangungunang papel ng bilateral na ugnayang Sino-Aleman sa pagpapasulong ng relasyong Sino-Europeo.
Nagpalitan din sila ng kuru-kuro hinggil sa situwasyon ng Korean Peninsula, Iran nuclear deal at iba pang mga isyung pandaigdig na kapuwa nila pinahahalagahan.
Nang araw ring iyon, nakipagtagpo rin si Wang sa kanyang counterpart na Aleman na si Heiko Maas.
Salin: Jade
Pulido: Mac
Larawan: Xinhua/Shan Yuqi
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |