Idinaos kahapon ang Ika-4 na Summit ng Tsina, Mongolia at Rusya, sa Qingdao, baybaying-lunsod sa dakong silangan ng Tsina. Sa pangungulo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, lumahok sa summit sina Pangulong Khaltmaa Battulga ng Mongolia at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya.
Sumang-ayon ang tatlong pangulo na nitong tatlong taong nakalipas sapul nang idaos ang unang summit, pinagsama-sama ng tatlong bansa ang Belt and Road Initiative ng Tsina, "Development Path" Initiative ng Mongolia, at Plano ng Transcontinental na Riles ng Rusya. Bunga nito, lumalalim ang trilateral na pagtutulungan.
Ipinasiya rin ng tatlong lider na sa hinaharap sisimulan ang konstruksyon ng China-Mongolia-Russia Economic Corridor, at palalakasin ang pagtutulungan sa enerhiya, transportasyon, imprastruktura, adwana, turismo at people-to-people exchanges.
Lalahok din ang tatlong lider sa Shanghai Cooperation Organization (SCO) Summit, na bubuksan ngayong araw sa Qingdao, baybaying-lunsod sa dakong silangan ng Tsina.
Salin: Jade
Pulido: Rhio