|
||||||||
|
||
Walang humpay na isusulong ng Pilipinas ang patakarang "Kaibigan ng lahat, Di kaaway ng sino man," at umaasang patuloy na magiging mahigpit ang pakikipagtulungan sa Tsina at mga karatig bansa upang isusulong ang ASEAN centrality at ang paghahangad ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon. Ito ang winika ni Ambassador Jose Santiago Sta. Romana sa kanyang remarks sa diplomatic reception na ginanap sa Grand Hyatt Hotel sa Beijing, Hunyo 12, 2018, bilang pagdiriwang sa Ika 120 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Ibinahagi rin ng embahador ng Pilipinas sa Tsina na ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ngayong taon ay nagbibigay-pansin sa mga repormang ipinatutupad ng pamahalaan ng Pilipinas upang makamit ang inklusibong pag-unlad sa pamamagitan ng malawakang pamumuhunan sa imprakstruktura at masigasig na kampanya laban sa terorismo, korupsyon, krimen at iligal na droga. Nagdulot ito ng 6.7% GDP growth rate noong 2017 at nagtala sa unang quarter ng 2018 ng rate na 6.8%.
Bunga ng nagsasariling patakarang panlabas ng Pilipinas
Pokus rin ng remarks ng embahador Pilipino ang nagsasariling patakarang panlabas ng bansa. Aniya pa, ang mapagkaibigan at malapit na pakikipagtulungan sa Tsina ay mahalagang bahagi ng nagsasariling patakarang panlabas ng Pilipinas. Ang Tsina ay mahalagang political at economic partner, at katuwang ng Pilipinas sa pandaigdigang laban kontra terorismo at krimeng transnasyonal. Sa kasalukuyan ang Tsina ang nangungunang trading partner ng bansa, at ikalawang bansang pinagmumulan ng mga turista.
Ibinahagi rin ni Ambassador Sta. Romana ang mga tulong ng Tsina sa malalaking proyektong pang-imprastuktura sa Pilipinas na kinabibilangan ng proyektong pang-irigasyon, dam at daambakal. Nagbigay-ayuda rin ang Tsina sa panahon ng sagupaan sa Marawi kapwa sa aspektong militar at maging sa mga proyektong muling magbabangon sa lunsod.
Ngayong taon ang Pilipinas ay magiging bansang tagapagkoordina sa ASEAN-China Dialogue Relations at umaasa ang Pilipinas sa mahigpit na pakikipagtulungan sa Tsina at mga bansang ASEAN.
Pagpapalitan ng mga mamamayan, magsigla
Ibinahagi rin ni Ambassador Sta. Romana ang masiglang ugnayan ng mga mamamayang Pilipino at Sino na kapwa masigasig na nagpupunyagi para sa pagpapalitang kultural, pang-edukasyon, media at iba pa. Bukod dito ang kasunduang nilagdaan kamakailan sa sideline ng Boao Forum for Asia hinggil sa pagbibigay-trabaho sa Pilipinong nagtuturo ng wikang Ingles sa mga pamantasan at kolehiyo sa Tsina, ay higit pang magsusulong ng pag-uunawaan at kapaki-pakinabang na kooperasyon sa dalawang panig.
Ang pagdiriwang ay dinaluhan nina Vice Foreign Minister Kong Xuanyou, Vice Minister at Tagapamuno ng State Administration for Foreign Experts Affairs Zhang Jianguo, Vice Minister at Deputy Head State Council Information Office Guo Weimin, Boao Forum for Asia Secretary General Li Baodong, Secretary General ng China-ASEAN Center Yang Xiuping, mga kinatawan ng diplomatic corps sa Beijing, at piling bisita mula sa Filipino at Chinese communities.
Ulat: Mac Ramos
Larawan: Rhio/Frank
Web editor: Frank/Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |