Nanawagan si Premyer Li Keqiang ng Tsina na magkasamang pangalagaan ng kanyang bansa at Timog Korea (ROK) ang multilateralismo at malayang kalakalan, bilang tugon sa tunguhin ng muling paglitaw ng proteksyonismo.
Ito ang ipinahayag ni Premyer Li sa kanyang pakikipagtagpo sa mga kalahok na Timog Koreano sa Unang Round ng Diyalogo ng mga Mangangalakal at Dating Matataas na Opisyal ng dalawang bansa. Kabilang sa mga kalahok na Timog Koreano ay si Chung Sye-kyun, dating Ispiker ng Pambansang Asemblea ng Timog Korea, at mga kinatawan mula sa mga kilalang bahay-kalakal na gaya ng SK, Samsung, at Hyundai.
Hinikayat din ng premyer Tsino ang mga mangangalakal na Timog Koreano na samantalahin ang pagkakataon ng ibayo pang pagbubukas sa labas ng Tsina, at mamuhunan sa Tsina, lalo na sa dakong gitna at kanluran ng bansa, para maisakatuparan ang win-win situation.
Ipinahayag naman ng mga kinatawang Timog Koreano na mabunga ang katatapos na nasabing unang round ng diyalogo ng dalawang bansa. Ipinahayag din nila ang paghanga sa estratehiyang pangkaunlaran ng Tsina kung saan ang inobasyon ay siyang lakas na tagapagpatulak. Nakahanda anila silang palalimin ang kooperasyong pang-inobasyon sa Tsina, at magkasamang galugarin ang ikatlong pamilihan para mapasulong ang kasaganaang panrehiyon at makapag-ambag sa malayang kalakalan sa daigdig.
Salin: Jade
Pulido: Mac