Guangzhou, Lalawigang Guangdong ng Tsina—Martes, Hulyo 3, 2018, nagtipun-tipon dito ang mga tauhan ng 5 bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na kinabibilangan ng Kambodya, Laos, Myanmar, Thailand, at Biyetnam, para sumali sa 22-araw na pagsasanay sa paghahanap at pagliligtas sa Lancang-Mekong River. Ito ang kauna-unahang pagtataguyod ng Tsina ng ganitong pagsasanay para sa mga bansa sa kahabaan ng Lancang-Mekong River.
Ayon sa salaysay, ang naturang pagsasanay ay bagong hakbangin ng Maritime Safety Administration (MSA) ng Tsina bilang tugon sa Belt and Road Initiative, upang mapalalim ang kooperasyon sa mga bansa sa Timog-silangang Asya sa aspekto ng paghahanap at pagliligtas sa dagat.
Ipinahayag ni Li Hongyin, Pangalawang Direktor ng MSA, na nakahanda ang kanyang kawanihan, kasama ng nasabing limang bansang ASEAN, na pag-aralan at talakayin ang gawain ng pangangasiwa sa mga suliraning pandagat at paghahanap at pagliligtas sa tubig sa rehiyon ng Lancang-Mekong River, at magkasamang pataasin ang lebel ng gawaing ito. Magkasamang magpupunyagi aniya ang Tsina at limang bansang ASEAN para mapangalagaan ang kaligtasan ng abiyasyon sa rehiyon ng Lancang-Mekong River, at mapasulong ang pag-unlad ng kabuhayan ng rehiyong ito.
Salin: Vera