Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Liangjiahe: Ako ay isang magsasaka (6)

(GMT+08:00) 2018-07-08 17:06:19       CRI

Ito ang ikaanim episode ng literary non-fiction na pinamagatang Liangjiahe, kung saan mababakas ang pitong taong pamumuhay at pagtatrabaho ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kasama ng mga taga-nayon ng Liangjiahe, simula noong 1969.


Si Xi Jinping kasama ng mga taganayon ng Liangjiahe noong Pebrero, 2015 (File photo: Xinhua)


Pagkatapos ng dalawa o tatlong taon sa Liangjiahe, matatas nang magsalita si Xi Jinping ng dyalekto ng Yanchuan. Alam na niya ang bawat sulok ng nayon. Sa kanyang pagbabalik sa Liangjiahe noong Pebrero 13, 2015 madali niyang nakilala ang mga taong hindi niya nakausap sa loob ng 40 taon, tinawag niya sila sa kani-kanilang mga pangalan at palayaw nang magkita-kita.


Naalala rin niya ang mga putahe ng Liangjiahe. Nang mananghalian sa araw na iyon, ihinain ang mga lutuing lokal. Sinabi ni Xi sa kanyang asawang si Peng Liyuan, ang tawag sa bawat putahe at ipinaliwanag kung paano ito niluluto at bakit ito naiiba.

Sa panahon ng pamamalagi at pagtatrabaho kasama ng rural production team, hindi niya alintana kung ang mga taong makakasalamuha ay madumi o may dalang pulgas o kuto.

Anu man ang gawain, maghukay, magbuhat ng pataba, mag-araro o mag-ani ng pananim, sinunod ni Xi Jinping ang mga magsasakang lokal at ginawa ang mga trabaho. Kapag may hindi naiintindihan, siya ay nagtatanong at inaalam sa mga taganayon. Unti-unti niyang nalaman ang lahat ng aspekto ng trabaho sa sakahan at naging isang bihasang magsasaka.

Sinabi ni Xi Jinping, "Ang pinakaimportanteng natutunan ko sa mga magsasaka ay ang diwa ng pananatiling mapagkumbaba at pagiging matiisin." Aniya pa, "Ako ay isang magsasaka."

Kalaunan, ang tirahan ni Xi Jinping ay naging sentro ng pamumuhay sa nayon ng Liangjiehe. Ikinasisiya ng mga tao ang makipaghuntahan dito, at makinig sa kaniyang mga salita tungkol sa kasaysayan o balita mula sa labas. Siya ay naging tunay na kaanib ng nayon ng Liangjiahe.

Paano namin ipahihiram ang aming may talinong kasama

Sa simula ng tagsibol taong 1973, pansamantalang ipinadala si Xi Jinping sa Zhaojiahe production brigade bilang isang guro.

Bago dumating si Xi Jinping, walang interes ang mga taong lumahok sa mga pulong na magtuturo ng sosyalismo sa Zhaojiahe. Ang mga taong nagtatalumpati sa mga nasabing pulong ay tila sarili lang ang kinakausap. Habang ginaganap ang pulong, ang mga tao'y nagdadaldalan, ang mga kababaihan nama'y abalang nananahi. Ngunit nang dumating si Xi Jinping, lahat ay dumalo sa mga pulong, walang nahuhuli, at di na kailangang sawayin ang mga tao upang makinig. Si Ren Houcheng, isang kilalang taganayon na palabiro, ay sumigaw "Kapag nagsalita na si Jinping, nadadala ka ng kanyang mga sinasabi, hindi ka na gagalaw sa iyong kinauupuan."

Kilala ni Xi Jinping ang mga tao at nauunawaan niya ang nasa-isip nila. Pinili niya ang mga paksang interesado sila. Kapag nagtuturo siya hinggil sa sosyalismo, ibinabahagi niya ang mga seryosong mensahe sa pamamagitan ng masayang mga aktibidad, pagbabahagi tungkol sa mga lokal na kaugalian at kagawian, maging tungkol sa kasaysayan.

Sa panahong ito, naging mainit na usapin sa Zhaojiahe ang pagkukumpuni ng kanal. Ang ilang miyembro ng pamayanan ay gustong alisin ang kanal at palitan ng dam. Lalaki ang lupang sinasaka nila kung gagawin ito at tataas ang ani ng nayon. Pero nangangamba ang iba na masasayang lang ang pagod kapag masira ito kung sakaling bumaha. Mainit ang debatehan at di makumbinsi ng bawat panig ang isa't isa.

Dagdag pa rito, tumigas sa lamig ang lupa at mahirap maghukay sa panahon ng tag-lamig. Kakailanganing pasabugin ang lupa gamit ang eksplosibo at ikarga sa mga karetilya ang tipak ng mga lupa. Inayawan ng ilang taganayon ang ganito kabigat na trabaho.

Ngunit naniniwala si Xi Jinping na ang pagkukumpuni ay makakatulong sa mga tao. Diretsahan niyang inilahad ang mga bentahe, at naantig niya ang puso ng mga tao. Kinabukusan, maayos na sinimulan ang paggawa.

Tuwing ala-sais o alas-siyete ng umaga, nangunguna si Xi Jinping kasama ang mga taganayon sa pag-akyat sa kabundukan upang magtrabaho. Wala silang pahinga hanggang gumabi. Sinabi ng lahat ng mga taganayon, "Sa kabila ng kaniyang kabataan at paglaki sa lungsod, may kakayahan si Jinping at kaya niyang tiisin ang anumang paghihirap."

Wala pang tatlong buwan, natapos ang dam at ang kabuuang sinasakang lupain ng Zhaojiahe ay lumaki ng higit anim na hektarya, at tinamnan ito ng mais nang taon din iyon.

Pinatakbo rin ni Xi Jinping ang isang paaralan sa gabi sa Zhaojiahe upang turuan ang mga taganayong bumasa. Isa si Gao Xiaomei sa mga natutong magsulat ng sariling pangalan salamat sa nasabing paaralan.

Magaling si Gao Xiaomei sa pagsasaka at kaya niyang makipagsabayan sa mga kalalakihan pagdating sa trabaho. Sa panahon ng tagsibol, dinadala ang basket ng pataba sa kabundukan. Kung kaya ng isang lalaking pitong beses na mag-akyat manaog sa loob ng isang araw bitbit ang pataba, kaya rin ni Xiomei. Tinawag siya ni Xi Jinping bilang "babaeng bakal." Naalala pa ni Gao ang madalas na sinasabi ni Xi Jinping noong mga panahong iyon: "Nakasalalay ang bilis ng tren sa makina ng tren," at "Upang magpanday ng bakal, kailangan ang lakas." Ilang dekada ang nakalipas, ang mga nakakatawang talinhaga ay patuloy na naging ulo ng mga balita habang ibinabahagi ng Pangulong Tsino ang kaniyang mga pananaw sa mga talumpati sa publiko.

Walong buwang nanatili sa Zhaojiahe si Xi Jinping. Nang matapos ang gawain, gusto ng lokal na kalihim ng partido na manatili pa si Xi Jinping. Ngunit nang malaman ito ni Bai Guangxing, ang kalihim ng partido ng dati niyang pamayanan, sinabi niyang, "Asa ka pa. Paano namin ipahihiram ang aming may talinong kasama at iwanan sa inyo?"

Salin: Mac
Edit: Jade

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>