NAGPASALAMAT si Foreign Secretary Alan Peter S. Cayetano sa pamahalaan ng Iraq sa madaliang pagkakaligtas sa dalawang manggagawang Filipina sa kamay ng mga armadong dumukot sa kanila. Sa isang pahayag na inilabas kaninang hapon, sinabi ni G. Cayetano na nagpapasalamat siya sa ngalan ng bansa sa matagumpay na rescue operation.
Sa ulat ni G. Julius Torres, ang pansamantalang nangangasiwa sa Embahada ng Pilipinas sa Baghdad, naglalakbay ang apat na kababaihan mula sa Erbil sa Kurdistan region patungo sa Baghdad nang harangin ng mga armado. Nakatakas ang dalawa subalit naabimbin ang dalawang iba pa.
Sa pagliligtas ng ginawa ng pulisya, nadakip din ang ilan sa mga armado. Hiniling ng embahada na ihatid na sa kanilang tanggapan ang kababaihan matapos ang kaukulang imbestigasyon upang makauwi na sa Pilipinas.
Ayon sa datos ng Department of Foreign Affairs, mayroong mga 4,000 mga Filipino sa Iraq. May 3,000 ang nasa Kurdistan sa hilagang bahagi ng bansa.