|
||||||||
|
||
Halos isang linggo na ang nakararaan sapul nang sumiklab ang trade war ng Tsina at Amerika, at walang tigil ang mga bagong pangyayari.
Noong gabi ng Hulyo 10, local time, isinapubliko ng Tanggapan ng Kinatawan ng Kalakalan ng Estados Unidos ang listahan ng pagpapataw ng 10% karagdagang taripa sa bagong pangkat ng panindang Tsino na nagkakahalaga ng 200 bilyong dolyares. Dahil umano ito sa "pagsasagawa ng Tsina ng ganting hakbangin at hindi pagbabago sa ilang kilos na pangkalakalan." Kaugnay nito, ipinahayag ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na hinding-hindi matatanggap ng Tsina ang ganitong hakbangin ng Amerika. Anito, upang mapangalagaan ang nukleong kapakanan ng bansa at pundamental na interes ng mga mamamayan, sapilitang gumawa ang Tsina, tulad ng dati, ng kinakailangang ganting hakbangin.
Kasabay ng paglitaw ng mga negatibong bunga ng "terorismong pangkalakalan" ng White House, parami nang paraming bahay-kalakal at mamamayang Amerikano ang tumututol sa ganitong kilos. Noong nagdaang ilang araw, sinalubong ng Tsina ang maraming personaheng pulitikal at komersyal ng Amerika na gustong hanapin ang pangmatagalang kooperasyon sa Tsina.
Noong Hulyo 10, 2018, nilagdaan ng Tesla, kilalang kompanya ng electric vehicle at enerhiya ng Amerika, at Shanghai ang kasunduan sa pamumuhunan sa proyketo ng electric vehicle. Pormal na itatatag nito sa Tsina ang unang pagawaan sa ibayong dagat, at 500,000 ang binabalak na taunang production capacity nito.
Noong Hulyo 11 naman, nilagdaan ng isang malaking delegasyong pangkabuhaya't pangkalakalan na pinamumunuan ni Mayor Rahm Emanuel ng Chicago, Amerika, kasama ng panig Tsino ang panlimahang taong plano sa kooperasyon ng mga pangunahing industriya mula 2018 hanggang 2023. Ayon sa nasabing plano, isasagawa ng kapuwa panig ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng industriyang medikal at pangkalusugan, modernong industriya ng pagyari, inobasyon ng teknolohiya, serbisyong pinansyal, agrikultura at pagkain, imprastruktura at iba pa. Ito ang kauna-unahang panlimahang taong plano sa pagitan ng mga pamahalaang lokal ng dalawang bansa.
Ang mga halimbawang ito ay nagpapakitang kahit abalang-abala ang White House sa proteksyonismong pangkalakalan, tinututulan ng mga pamahalaang lokal at bahay-kalakal ng Amerika ang trade war sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon. Lipos sila ng kompiyansa sa pamilihang Tsino.
Isiniwalat kamakailan ng pahayagang Washington Post na ang mga "swing state" ang magpapasiya sa resulta ng mid-term election ng Amerika sa kasalukuyang taon. Ipinalalagay ng 78% respondents doon na ang trade war laban sa Tsina ay hindi nakakabuti sa presyo ng paninda sa Amerika. Kasabay ng unti-unting paglitaw ng mga negatibong epekto ng pagpapataw ng karagdagang taripa, iisipin ng mas maraming Amerikano kung saan padako ang kanilang bansa sa ilalim ng pamumuno ng isang di-makatarungang pamahalaan?
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |