Ipinatalastas kamakailan sa Washington D.C. nina Pangulong Donald Trump ng Amerika at Pangulong Jean-Claude Juncker ng European Commission ang pagsang-ayon sa pagsasagawa ng talastasan, para bawasan ang bilateral na trade barrier at pahupain ang alitang pangkalakalan. Ipinatalastas din nilang itigil ang pagpapataw ng karagdagang taripa sa mga paninda ng isa't isa. Ang pangyayaring ito ay pinag-uukulan ng malaking pansin ng daigdig.
Kung talagang itatakwil ng Amerika at Europa ang digmaang pangkalakalan, siyempre ito ay isang magandang resulta. Dahil, tulad ng alam natin, walang bisa at wala ring mananalo sa digmaang pangkalakalan.
Pero, sa pagkakataong ito, matutupad ba ng administrasyon ni Trump ang pangako nito? May pagdududa rito ang mga opinyong pandaigdig. Sinabi minsan ng pahayagang The Guardian ng Britanya, na si Trump ay hindi isang mapagkakatiwalaang negosyador. Naging mas direkta ang isang eknomistang Amerikano na si Chad Bown. Nang mabanggit ang naturang kasunduan ng Amerika at EU, sinabi ni Bown, na may posibilidad na sa darating na 20 minuto sa hinaharap, lilitaw ang isang tweet na ganap na babaligtad nito.
Matatandaan din nating mahigit 2 buwan ang nakararaan, sa Washington D.C. din, narating ng Amerika at Tsina ang komong palagay hinggil sa pagtitigil ng digmaang pangkalakalan at pagpapataw ng karagdagang taripa. Pero 10 araw pagkaraan nito, tinalikuran ng pamahalaang Amerikano ang pangako nito, at ipinatalastas ang pagpapataw ng karagdagang 25% ng taripa sa mga panindang Tsino na nagkakahalaga ng 50 bilyong Dolyares.
Pabagu-bago ang administrasyon ni Trump. Ang kasunduan nito at EU ay "cease-fire" ba o "end-of-war?" Abangan po natin.
Salin: Liu Kai