Nitong nakalipas na mahigit isang taon, sapul nang manungkulan si Donald Trump bilang Pangulo ng Amerika, dahil sa kanyang pagsasagawa ng unilateralismo at pagsasaalang-alang lamang sa sariling interes, lumilitaw ang pagbabago sa tradisyonal na relasyon ng Amerika at Europa, na may kapwa kompetisyon at kooperasyon, at lumalala ang relasyon ng dalawang panig.
Sa isang panayam sa Columbia Broadcasting System noong Hulyo, sinabi ni Trump, na ang Unyong Europeo ay isa sa mga kaaway ng Amerika. Ang palagay na ito ni Trump ay ipinakikita rin sa kanyang mga patakaran sa Europa. Halimbawa, inudyuhan ni Trump ang paghihiwalay ng mga bansang Europeo, at pag-urong ng mga kasaping bansa ng Unyong Europeo sa organisasyong ito. Sa mga isyung may mahalagang kinalaman sa Europa, unilateral na inilabas ni Trump ang mga pahayag, na walang paunang pakikipagsanggunian sa mga kaalyadong bansa sa Europa. Hiniling ni Trump sa mga bansang Europeo, na isabalikat ang mas malaking bahagi ng gastos na militar ng North Atlantic Treaty Organization. Binatikos din niya ang Europa sa pagkakaroon ng sobrang bentahe sa kalakalan sa Amerika.
Ang masamang pakikitungo ng administrasyon ni Trump sa Europa ay nagresulta sa kawalang-kasiyahan at pagkamuhi ng Europa. Binatikos ng mga European media ang Amerika, at sinabi nilang hindi mapagkakatiwalaan ang Amerika.
Sa background na ito, inilabas kamakailan nina Trump at Pangulong Jean-Claude Juncker ng European Commission ang isang pahayag hinggil sa kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang panig. Pero, malaki ang pagtutol dito mula sa loob ng Unyong Europeo, at hindi rin malulutas ng pahayag ang umiiral na alitang pangkalakalan ng Amerika at Unyong Europeo. Sa ilalim ng kaligaligan ng relasyon ng Amerika at Europa, mahirap na makita ang tunay na epekto ng naturang pahayag.
Salin: Liu Kai