Ayon sa estadistikang inilabas kahapon, Huwebes, ika-16 ng Agosto 2018, ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, mula noong Enero hanggang Hulyo ng taong ito, lumaki ng 2.3% ang halaga ng aktuwal na nagamit na pondong dayuhan ng Tsina kumpara sa gayun ding panahon ng nagdaang taon, at ang bilang naman ng mga bagong naitatag na bahay-kalakal na may puhunang dayuhan ay lumaki ng 99.1%.
Ayon sa naturang ministri, kung titingnan ang mga industriya, lumaki ng 8.8% ang halaga ng aktuwal na nagamit na pondong dayuhan sa manupaktura, at lumaki naman ng 7.5% ang mga pondong dayuhan sa industriya ng hay-tek. Ang dalawang paglaking ito ay pinakamabilis.
Ayon pa rin sa ministri, nitong nakalipas na isa at kalahating taon, tatlong beses na inilabas ng pamahalaang Tsino ang mga hakbangin ng pagpapasulong sa pamumuhunang dayuhan. Dahil dito, bumubuti ang kapaligirang pang-negosyo ng Tsina, tumataas ang lebel ng pasilitasyong pangkalakalan, at lumalawak ang pagbubukas ng mga industriyang, gaya ng manupaktura, agrikultura, pagmimina, serbisyong pinansyal, at iba pa. Ang mga ito ay mga dahilan kung bakit naisakatuparan ng Tsina ang matatag na paglaki ng pamumuhunang dayuhan sa bansa.
Salin: Liu Kai