|
||||||||
|
||
Inilabas kamakailan ng pamahalaan ng Tsina ang datos na pangkabuhayan ng bansa sa nagdaang Hulyo. Ayon sa nasabing datos, umabot sa mahigit 2.6 trilyong yuan RMB o 377.5 bilyong U.S. dollars ang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng bansa, at ito ay mas mataas ng 12.5% kumpara sa gayunding panahon ng taong 2017 at 8.7% kumpara sa nagdaang Hunyo. Kabilang dito, lumampas sa 1.39 trilyong yuan o 202.3 bilyong U.S. dollar ang pagluluwas at mas mataas ito ng 3% kumpara sa nagdaang Hunyo; samantalang lumampas sa 1.21 trilyong yuan o 175.9 na bilyong U.S. dollars ang pag-aangkat na mas mataas ng 14.9% kumpara sa nagdaang Hunyo. Bunga nito, umabot sa 177 bilyong yuan o 25.7 bilyong U.S. dollars ang trade surplus, at mas maliit ito ng 83.9 bilyong yuan o 12.2 billion U.S. dollars kumpara sa nagdaang Hunyo.
Ang mga trak habang naghahatid ng mga container na ikakarga sa barko sa Puwerto ng Qingdao, lalawigang Shandong, Abril 13, 2018.
Ang nasabing datos hinggil sa pag-aangkat at pagluluwas ng Tsina na may bumabang trade surplus ay nagpapakitang ang mga isinasagawang hakbangin ng Tsina para ibayo pang magbukas sa labas ay nagdudulot ng mga dibidendo. Tulad ng sinabi ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa World Economic Forum noong 2017, oportunidad para sa buong daigdig ang pag-unlad ng Tsina, at ang lahat ng mga tao at bansa ay mainit na tinatanggap para sumakay sa mabilis na tren ng pag-unlad ng Tsina. Patuloy na mananangan ang Tsina sa pagbubukas sa labas sa pamamagitan ng pagdaraos ng dalawang aktibidad sa huling hati ng taong ito. Ang una ay pasinaya ng inisyatibo ng Shanghai-London Stock Connect, at ang pangalawa ay ang Unang China International Import Expo (CIIE) na gaganapin sa Shanghai.
Ayon sa Shanghai-London Stock Connect initiative, mag-uugnay ang mga stock exchanges ng Shanghai at London. Ito ang unang hakbang para i-ugnay ang pinakamalaking bagong sibol na pamilihan sa daigdig at ang pinakamatanda at pinakamatatag na pamilihan sa daigdig. Salamat dito, magiging mas internasyonal ang mga securities markets ng Tsina at magdudulot ito ng mas marami ring oportunidad para sa mga mamumuhunang Britanikong gustong pumasok sa pamilihang Tsino. Magkakaroon din ang mga mamumuhunan sa buong daigdig ng mas maginhawang paraan para matamo ang suportang pinansyal sa pamamagitan ng Shanghai-London Stock Connect.
Ang Unang China International Import Expo na gaganapin sa darating na Nobyembre ay magsisilbi ring oportunidad para sa mga mamumuhunan ng daigdig. Hanggang sa kasalukuyan, mahigit 2,800 kompanya mula sa 130 bansa ang rehistradong lumahok sa idaraos na ekspo. Inaasahan ding dadalo ang mahigit 150,000 mamimili . Mayroon ding mahigit 30 kompanyang dayuhan na nagparehistro upang lumahok sa ikalawang CIIE sa taong 2019.
Ayon sa pagtaya, mula 2017 hanggang 2022, walong trilyong U.S.dollar na paninda ang aangkatin ng Tsina, at 600 bilyong U.S. dollar na puhunang dayuhan ang papasukin nito. Kasabay nito, ang mga turistang Tsino ay magsasagawa ng 700 milyong biyahe sa ibayong dagat. Masasabing sa kasalukuyan kung saan hinahadlangan ng proteksyonismo at unilateralismo ang pandaigdig na pagkakalakalan at pamumuhuan, ang Tsina ay nagkakaloob ng mga oportunidad para mapasigla ang kompiyansa ng mga mamumuhunang pandaigdig. Sa totoo lang, mababasa ang nasabing kompiyansa sa "American Businesses in China White Paper" na inilabas ng American Chamber of Commerce in China nitong nagdaang Mayo. Ayon sa white paper, 46% ng mga respondent ang naniniwalang ang pamahalaang Tsino ay ibayo pang magbubukas ng bansa sa labas sa susunod na tatlong taon, at mas mataas ang bahagdang ito kumpara sa bilang noong nagdaang taon na 34%. Bukod dito, itinuturing ng halos 60% ng mga respondent companies ang Tsina bilang isa sa tatlong pinakapangunahing destinasyong pampamumuhunan at 1/3 sa kanila ang nagpaplanong palawakin ng 10% ang puhunan sa Tsina.
Napakalaking pamilihan ang Tsina na may 1.4 bilyong mamamayan at pinakamaraming middle class ng daigdig. Higit pa rito, determinado ang pamahalaang Tsino na suportahan ang liberalisasyong pangkalakalan at paginhawahin ang pamumuhunang dayuhan. Parang mahirap na matuklasan ng mga mamumuhunan at mangangalakal ng daigdig ang mas malaking pamilihan ng maraming oportunidad kung ihahambing sa Tsina. Habang patuloy na tatahak ang Tsina sa landas ng mabilis na pag-unlad, mainit na tinatanggap nito ang mga tao na mula sa buong mundo na isakatuparan ang komong kaunlaran.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |