IPINARATING ni Senador Grace Poe ang isang resolusyon na nanawagan sa Senado na alamin ang naganap na pagdurusa ng mga pasaherong nabimbin sa Ninoy Aquino International Airport matapos dumulas ang isang Boeing 737-800 ng Xiamen Air noong maghahating-gabi ng Huwebes at Biyernes.
Sa Resolusyon 852, kailangang alamin ng Senate Committee on Public Services na kanyang pinamumunuan ang mga may kinalaman sa sakuna at ang kakulangan ng pagtugon sa isang emergency. Magugunitang maraming biyahe ng eroplano ang nakansela at kung hindi man ay nabimbin. Naghirapan din ang mga pasahero sa kanilang pamamalagi sa paliparan sa paghihintay ng kanilang biyahe.
Magugunitang napuno ang social media ng hinaing at reklamo ng mga pasaherong apektado ng hindi kaagad pag-aalis ng sinamampalad na eroplano. Natanggal lamang ang eroplano sa pook ng sakuna mga ila-labing-isa ng umaga noong Sabado.
Ang ibang mga overseas workers ay kinailangang bumili ng bagong ticket sa eroplano upang makaalis ayon sa oras at nang huwang mawalan ng trabaho sa ibang bansa.
Nakaligtas ang 157 pasahero at walong tripulante ng Xiamen Air ng dumulas ang umang gulong nito patungo sa maputik na bahagi ng Ninoy Aquino International Airport limang minute bago sumapit ang hatinggabi noong Biyernes.