Nakatakdang idaos ang Ika-15 China-ASEAN Expo (CAExpo) sa Nanning, punong-lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi sa dakong timog-kanluran ng Tsina mula ika-12 hanggang ika-15 ng Setyembre, 2018. Itatampok sa gaganaping ekspo ang magkakasamang pagpapasulong ng Belt and Road Initiative (BRI).
Ito ang ipinahayag ni Wang Lei, Pangkalahatang Kalihim ng Sekretaryat ng idaraos na CAExpo sa preskon, Miyerkules, Agosto 29.
Inilahad ni Wang na sa kauna-unahang pagkakataon, inimbitahan ang Tanzania bilang espesyal na partner na pangkooperasyon sa kahabaan ng 21st Century Maritime Silk Road. Ang BRI ay pinaikling termino para sa panlupang Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road.
Lalahok sa ekspo ang mga opisyal at mangangalakal mula sa Tsina, sampung bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at iba pang bansa't samahan. Tatlumpu't limang (35) porum ang nakatakdang idaos. Kabilang dito, ang dalawang porum kaugnay ng pangkagipitang pagliligtas at pandagat ay bagong tatag ngayong taon.
Salin: Jade
Pulido: Rhio