|
||||||||
|
||
Natapos Sabado, Setyembre 1, 2018 ng mga ministrong pangkabuhayan ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) ang talastasan hinggil sa dalawa pang kabanata. Ang isang kabanata ay may kinalaman sa Customs Procedures and Trade Facilitation at ang isa pa ay kaugnay ng Government Procurement. Bunga nito, natapos ang talastasan sa 4 sa kabuuang 18 kabanata.
Nakasaad ito sa press release na inilabas nang araw ring iyon ng Ministri ng Kalakalan at Industriya ng Singapore, kasalukuyang bansang tagapangulo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ang katatapos na Ika-6 na Pulong na Ministeryal ng RCEP ay idinaos Huwebes at Biyernes sa sidelines ng Ika-50 ASEAN Economic Ministers' Meeting and Related Meetings.
Nanawagan ang press release sa lahat ng mga may kaugnayang bansa na magsikap para marating ang pinal na kasunduan hinggil sa RCEP sa katapusan ng taong ito.
Ang RCEP, na inilunsad noong 2012, ay isang kasunduan sa malayang kalakalan sa pagitan ng ASEAN at siyam na Free Trade Agreement (FTA) partner nito na kinabibilangan ng Tsina, Hapon, Timog Korea, India, Australia at New Zealand.
Inaasahang sasaklaw ito sa kalakalan sa paninda, kalakalan sa serbisyo, pamumuhunan, kooperasyong pangkabuhaya't panteknolohiya, karapatan sa pagmamay-ari sa likhang isip (IPR), patakarang pangkompetisyon, paghawak sa mga alitan, at iba pa.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |